Sabado, Marso 23, 2013

Ang Pananaw ni Frederic Bastiat Ukol sa Batas

Ilang mga tema ang tinalakay ni Bastiat na may kinalaman sa kaniyang pangunahing paksa - ang Batas. Kasama sa mga ito ay pamahalaan, legal na pandarambong, sosyalismo, demokrasya, komunismo at kalayaan. Bago natin isa-isahin ang mga temang ito, hayaan niyo na maibahagi ko sa artikulong ito ang aking pagkaunawa sa pananaw ni Bastiat ukol sa batas.


Maliban sa superioridad ng kakanyahan, kalayaan at ari-arian sa batas at sa kanilang prioridad bago pa lumikha ang tao ng batas, may dalawa pang mahalagang mga relasyon na nagbibigay-linaw sa pananaw ni Bastiat ukol sa batas. Ang mga ito ay relasyon ng batas sa natural na karapatan at katarungan. Makikita sa mga ugnayang ito ang lehitimong gamit ng batas.


Para kay Bastiat, ang batas ay batay sa indibidwal na natural na karapatan na ipagtanggol ang buhay, kalayaan at ari-arian. Ang indibidwal na karapatan na ito ay kolektibong isinaayos. Kinilala ni Bastiat ang ganitong uri ng pagsasa-ayos na "kolektibong karapatan" kung saan ang mga miyembro ng pangkat ay maaaring lehitimong gumamit ng pwersa upang ipagtanggol ang kanilang mga karapatan.


Mahalaga sa puntong ito na maunawaan na ang kolektibong karapatan ay hindi lumitaw ng hiwalay sa indibidwal na karapatan. Ang kolektibong karapatan ay kumakatawan lamang sa indibidwal na karapatan. Hindi ito maaaring gumamit ng pwersa upang labagin ang mga indibidwal na karapatan. Ang paggawa nito ay kabuktutan ng kolektibong karapatan at samakatuwid ay kabuktutan ng batas.


Ang ganitong uri ng kabuktutan ay nagaganap kung ang pwersa ay ginagamit upang alisan ang isang tao ng kanyang kakanyahan, kalayaan, at ari-arian. Sa halip na maghatid ng katarungan na siyang pangunahing layunin sa pagkakaroon ng batas, ito ay ginamit bilang isang kasangkapan para sa pagkawala ng katarungan.


Ipinahayag ni Bastiat ang pangunahing tungkulin ng batas na may kaugnayan sa katarungan sa dalawang paraan - "maging sanhi ng paghahari ng katarungan" o "upang maiwasan ang paglaganap ng kawalan ng katarungan". Dahilan sa panaanw na ito, si Bastiat ay laban sa paggamit ng batas upang ayusin ang paggawa, edukasyon at relihiyon. Para sa kaniya,aalisin ng ganitong gawain ang katarungan sa lipunan at ito ay paghaharian ng kawalan ng katarungan.


Binatikos ni Bastiat ang mga sosyalista bunga ng kawalan ng pagkaunawa sa relasyong ito. Kapag ang batas ay ginagamit upang ayusin ang paggawa, edukasyon at relihiyon, ito ay lalabag sa indibidwal na karapatan. Sa ganitong paraan, ang organisasyon ng paggawa, edukasyon at relihiyon ay magdudulot ng pagkawala ng katarungan.


Niniwala si Bastiat na ang paghahari ng katarungan sa pamamagitan ng batas ay nangangahulugan na ito ay hindi maaaring gamitin upang isaayos ang iba pang mga gawain ng tao, ito man ay paggawa, kawanggawa, agrikultura, komersiyo, industriya, edukasyon, sining, o relihiyon. Kung ito ay ipagpipilitan, wawasakin nito ang katarungan.


Kung titingnnan sa ganitong pananaw, walang sinumang mambabatas o mga grupo na may natatanging interes ang may karapatan na gamitin ang "kolektibong karapatan" na lumalabag sa indvidual karapatan. Kung hindi, hindi natin maiwasan ang madilim na sitwasyon na tulad nito:
Hindi na kailangan ng mga tao ang talakayan, paghahambing at pagpaplano; ginawa na ito ng batas para sa kanila. Ang katalinuhan ay wala na ring silbi; ang mga tao ay tumil na sa pagiging tao; nawala na sa kanila ang kanilang pagkatao, kalayaan at ari-arian.
Tayo ay hinahamon ni Bastiat na isipin ang mapanirang epekto sa kalayaan at ari-arian ng batas na layong magsa-ayos ng paggawa at kayamanan:
Subukan niyong isipin ang regulasyon ng paggawa na ginamitan ng pwersa na hindi paglabag sa kalayaan, ng paglilipat ng kayamanan na ginamitan ng pwersa na hindi paglabag sa ari-arian. Kung hindi mo kayang pagtugmain ang mga salungatang ito, nagpapatunay lamang na hindi maaaring ayusin ang paggawa at industriya na hindi rin ino-organisa ang kawalan ng katarungan.
Bilang pagbubuod, nakita natin na ang paghahari ng katarungan ay nangangahulugan ng pagtatanggol ng kakanyaha, kalayaan at ari-arian. Kung wala ang ganitong uri ng proteksiyon, hindi umiiral ang katarungan. Ito ang pangunahing tungkulin ng batas.