Sa nalalapit na halalan sa buwan ng
Mayo, sa tingin ko ay magandang paalala sa mga Filipino ang artikulo ni Russell
Roberts na may pamagat na “Pigs Don’t’Fly…”
Kaniyang sinabi na huwag tayong
masyadong aasa sa mga politiko. Sila ay mga tao ring tulad natin; hindi sila
mga diyos.
Bilang mga tao, nahihirapan silang
panghawakan ang kanilang mga prinsipiyo pag dumating na ang mga “insentibo”.
Kung isakripisyo man nila ang kanilang mga prinsipiyo, mahusay nilang
mapapangatwiranan na tama ang kanilang ginawa marahil dahilan sa ito talaga ang
kanilang paniniwala o sasabihin nila na may mga pagkakataon na kinakailangang
gawin ang maling mga bagay upang makagawa ng tama sa bandang huli.
Marahil marami sa atin ay nasanay na
kaya hindi na tayo nabibigla. Huwag tayong masyadong magpapaniwala sa kanilang
mga sinasabing prinsipiyo, na ginagawa nila ang lahat ng bagay para sa
kapakanan ng publiko.
Maging makatotohanan tayo sa ating
pagtingin sa mga pulitiko. Huwag nating iisipin na ang mga pangit na aspeto ng
pamahalaan ay sanhi ng maling mga taong naluklok sa kapangyarihan. Huwag din
natin iisipin na kung mahahalal lamang ay ang mahuhusay na mga tao, marahil ay
bubuti ang ating kalagayan. Sa katotohanan, hindi mahalaga kung sino ang nasa
puwesto, sila lamang ay tumutugon sa mga
“insentibo”.
Huwag gaanong umasa sa mga pulitiko
at tiyak na bihira kang mabibigo kabilang na ang mga pulitikong sa tingin mo ay
may prinsipyo. Ganito gumagana ang tunay na mundo.
Kung matutunan natin na tumingin sa
larangan ng politika sa pananaw ng isang ekonomista, mauunawaan natin na ang ideolohiya
at partido ay mababa ang halaga kung ihahambing sa mga “insentibo”.
Mag-ingat kung magkagayon kapag naririnig
mo na sinasabi ng mga pulitiko kung gaano kahalaga sa kanila ang kapakanan ng
bayan, ng mga bata, ng kapaligiran o ng kalusugan, bantayan mo ang iyong bulsa
at bantayan mo rin ang mga grupong magsasamantala sa mga propagandang nagsasabi
na laang maglingkod na buong sigasig at walang halong pag-iimbot.